Mga inulila ni ‘Yolanda’

Author’s note: This article first appeared on GMA News.

Pangisi-ngisi pa ang 18 anyos na si Jomar Bacle-an nang abutan ng “Brigada” team sa isang evacuation center sa Tacloban. Sa unang tingin, parang isang pangkaraniwang araw lang iyon para kay Jomar. Tila itinatago niya sa likod ng mga ngiti ang kanyang pinagdaraanan – na matapos ang hagupit ng bagyong Yolanda, isa na siyang ulila.

Ikinuwento ni Jomar kung papaano tinangay ng gahiganteng storm surge ang kanyang mga magulang at tatlo sa kanyang mga kapatid.

“Hindi kami nag-evacuate. Mage-evacuate sana kami nung gabi. Kaso ang tatay ko, hindi pumayag. Nagmatigas,” sabi niya. “Lumipat kami sa bahay ng kapitbahay namin kasi mas matibay ang bahay nila. Pero nadala din ng lakas ng hangin. Sumabay pa ‘yung malakas na tubig.”

“Pagkatapos no’n, wala na. Hindi na namin alam kung saan sila napunta,” sabi niya.

Masasabing masuwerte si Jomar dahil galos lang ang kanyang natamo sa hagupit ni Yolanda, ngunit ang galos na ito ay walang wala kumpara sa bagong problemang kinahaharap niya ngayon: kung papaano niya maitataguyod ang natitirang miyembro ng kanyang pamilya.

Serbisyo ng gobyerno para sa mga naulila

Ayon kay April Sumaylo ng grupong Save the Children sa Pilipinas, tatlong milyong bata ang naapektuhan ng Bagyong Yolanda. Marami sa kanila ang nawalan ng magulang o mahal sa buhay.

Ayon sa Child and Youth Welfare Code of the Philippines, magbibigay ang gobyerno ng espesyal na tulong para sa mga batang apektado tuwing panahon ng kalamidad gaya ng lindol, pagbaha, epidemya at iba pang unos. Bukod dito, magbibigay rin ng agarang kustodiya ang Department of Social Welfare and Development para sa mga batang naulila o nahiwalay sa kanilang mga magulang o tagapag-alaga.

Kapag naisayos nang muli ang welfare services sa mga lugar na nasalanta tulad ng sa Tacloban, ibibigay dito ang mga batang naulila at wala kamag-anak na kalaunan ay ipapadala sa mga bahay ampunan.

Depression at dalamhati ng mga naulila

Pero sa kabila ng tulong na maibibigay ng gobyerno, may mas mabigat na pasanin pang pagdaraanan ang mga batang ulila. Ayon sa isang child psychologist na nakausap ni Ian Cruz para sa “Brigada”, doble raw ang hirap na dinaranas ng mga batang naulila sa kalamidad.

Sa isang pag-aaral ng ilang child psychologist sa Australia, makararanas ng post-traumatic stress disorder at depression ang mga batang nawalan ng magulang dahil sa kalamidad, lalu na ang mga nasa murang edad.

Bukod dito, inaasahang mawawalan ng gana ang mga batang ito na makipaglaro sa mga kaibigan o umiwas sa social interaction. Maaari din silang makaranas ng memory loss lalu na kung tungkol sa mga impormasyong may kinalaman sa naranasang kalamidad.

Photo: DENNIS M. SABANGAN/EPA

Pero ayon sa mga eksperto, may mga paraan naman para unti-unting makabangon ang mga naulila mula sa trahedyang pinagdaanan nila. Sa guide na “Caring for kids after trauma, disaster and death” ng New York University, ito ang ilang paraan para matulungan ang mga batang nakaranas ng unos at trahedya:

1. Iwasang paulit-ulit na tanungin ang mga bata tungkol sa trahedyang kinasangkutan.

2. Hangga’t maaari, ipagpatuloy ang nakasanayang gawain ng mga bata, dahil mas mabilis silang makaaahon kung mabibigyan sila ng kapaligirang “safe and predictable.”

3. Importante rin sa mga batang ito na mabigyan ng oportunidad para tumulong sa komunidad upang maramdaman nilang may halaga pa rin sila sa kabilang ng nangyari.

4. Mahalaga ang pasensya at pagiging kalmado sa pag-aalaga ng mga batang naulila dahil sa isang kalamidad. Dahil sa pagkawala ng kanilang mga magulang, wala silang ibang masusumpungan kundi ang mga taong nag-aalaga at tumutulong sa kanila.

5. Kailangang himukin ang mga bata na magkaroon ng bagong hobby o sumali sa mga gawaing ikatutuwa nila nang magsilbi itong pampalipas-oras at distraction mula sa mga epekto ng sakuna. – Jan Suing/CM, GMA News

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s